Paggastos sa ICT ng Administrasyong Aquino, para kanino?

Released:

July 6, 2015

Patuloy na ginagamit ng Administrasyon ni BS Aquino ang Information and Communications Technology (ICT) upang kumalat ang dilaw na panawagan, dilaw na imahe, dilaw na hashtags at upang magkunwaring “transparent” at “accountable” sa mamamayan.

Noong 2011, isa ito sa walong bansa na nagbuo ng Open Governance Partnership (OGP). Bitbit pa rin ang slogan na “kung walang kurap, walang mahirap” ipinangalandakan nito ang labing-siyam na komitment na nagsusulong ng “transparency”, “citizen participation”, “ accountability”, at “technology and Innovation” sa pamumuno. Halimbawa, ibinida nito ang Foreign Aid Transparency Hub nang dumagsa ang pondo upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang FAiTH diumano ay nagpapakita ang “innovation” sa paggamit ng teknolohiya at “transparency” sa paggastos ng mga donasyon.

Subalit sa “Progress Report” [3] na binuo ng Philippine Center for Investigative Journalism, tatlo pa lamang sa mga ipinangako nito sa OGP ang natapos at apat lamang ang “on time.” Sa kabilang banda, naghahanap pa rin ng kasagutan ang mga donors sa nagpapatuloy na kalunus-lunos na sitwasyon ng mga survivors ng bagyong Yolanda. Hindi maipakita ng FAiTH ang maayos na pag-uulat ng mga pondo at distribusyon ng mga relief packs na dumaan mismo sa mga ahensiya ng gobyerno.

Inilunsad rin nito ang open data (data.gov.ph) portal. Katangian ng mga kahalintulad na portal ang pagkakaroon ng open data format na magpapadali sa partisipasyon ng mamamayan sa “audit” ng mga datos ng gobyerno at hikayatin ang pribadong sektor na gamitin ito sa pagbubuo ng mga apps at mga serbisyo sa ICT. Kailangan pa patunayan ng Administrasyon kung makakatulong nga ito sa pagsusulong ng “transparency.” Sa ngayon, tila backup system na lamang ang portal, idagdag pa na masalimuot maunawaan ang mga datos na inilagay dito ng National Economic Development Authority at iba pang ahensiya.

Matapos ang maingay na mga protesta laban sa Development Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF), napilitan marahil ang Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng mga datos hinggil sa National Expenditure Program ng 2015. Ang mga ito ay maayos na nailagay sa open data format at magpapadali ng analysis. Kaya naman maaaring makabuo na ng iba’t ibang pagsusuri hinggil sa panukalang paggastos na ito sa 2015 katulad ng blog na ito [4].

Dagdag na pondo sa DPWH, IRA at pag-aayos ng mga kalsada

Mahigit 53.8% ng badyet para sa 2015 ay nakalaan sa Internal Revenue Allotment (IRA), Debt Interest Payments, Department of Education (DepEd), at Department of Public Works and Highways (DPWH). Aabot sa P390 B ang pondong ibibigay sa mga Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng IRA, P373 B naman ang awtomatikong pambayad-utang ng bansa, P340B ang gagamitin upang suportahan ang mga programa sa edukasyon at P 300B naman ang inilaan sa mga proyekto ng DPWH.